TRIBUTE TO PARENTS
By Clarenz P. Nalaunan
Grade 12
March 28, 2019
Sa kada isang batang nakatayo ngayon at magsisipagtapos, ay may isa o dalawang magulang na nagpagal ng lubos.
Mayroong isang batang pumasok ng hindi plantsado uniporme, nakatayo ang kwelyo at hindi na kasing linis gaya ng dati. Ngunit sa kabila nito, patuloy pa din ang bata sa pag-aaral dahil sa pinanghahawakang pangaral na “Kahit wala na ko, anak, magpatuloy ka!”
Tuluyan na ngang napundi ang ilaw ng kanilang tahanan ngunit hindi napundi ang pangarap na makapagmartsa ng may karangalan.
Sa kada isang batang nakatayo ngayon at magsisipagtapos, ay may dapat pasalamatang yumaong magulang na nagpagal ng lubos.
Wari’y isang mag-aaral ang laging kapit-kapit at nakatutok sa kanyang telepono, nagsasalita mag-isa at mistulang may sayad sa ulo. Isang umaga, nakita ang bata ay lumuluha, hindi dahil sa hindi nakapasa kundi dahil sa pangungulila. Marahil ang ilan sa mga magulang natin ay nasa malayo, hindi natin makita, mayakap at makatagpo.
Sa kada isang batang nakatayo ngayon at magsisipagtapos, ay may dapat pasalamatang nangibang-bayang magulang na nagpagal ng lubos.
Sa bawat pagsibol ng araw ay baon namin parati ang inspirasyong nagmumula galing sa inyo. Kayo ang apoy na bumubuhay sa bawat pagningas ng aming pagkatao. Kayo ang alon na nagdadala sa amin tungo sa dalampasigan. Dalaw-lambing-payapa-sintahing-kaibigan. Dalampasigan. Malinaw sa amin na kayo po ay nasa katanghalian na ng inyong mga buhay, hindi man masabi ng bibig ngunit lubos po naming ninanamnam ang bawat sandali ng tunay.
Bahay kubo, pagibig ay hindi kaunti,
ang pagrespeto ay walang tinatanggi.
Singlakas ng pagong ang proteksyon mong palagi.
Balang araw ikaw sa kasiyahan ay ngingiti.
Bahay kubo, iyan ang tahanang inyong binuo.
Mama, Papa, Mommy, Daddy, Nanay at Tatay; Salamat po sa inyo.
Sa kada isang batang nakatayo ngayon at magsisipagtapos, ay may isa o dalawang mahusay na magulang na nagpagal ng lubos.