Ang sermon na ito ay ibinahagi sa regular chapel service ni Rose Marie C. Colico na nasa ika-apat na antas sa kursong Bachelor of Arts in Christian Education. Si Rose Marie ay nagmula sa Bugallon, Pangasinan.
Ang Totoong Pagtanggap
Biblical Text: John 6: 56-69
PROBLEM IN THE BIBLE:
Kung atin pong babasahin ang kabuuan ng John Chapter 6, mapapansin po nating nagsimula ito sa “Feeding of the Five Thousand” na kung saan maraming ordinaryong taong nakapansin sa mga kamangha-manghang senyales sa mga himala na ginawa ni Hesus. Sumunod doon ay ang kwento ng “Jesus Walks on the Water” na kung saan ang mga alagad naman ni Hesus ang nakasaksi ng paglakad ni Hesus sa ibabaw ng dagat. Pagkatapos nito, sumunod naman ang paglalahad ni Hesus ng “I am the Bread of Life.” Dito, hindi mapaniwalaan ng mga Hudyo yung sinabi niyang, “I am the Bread that came down from Heaven. If anyone eats this bread, he will live forever. And the bread that I will give for the life of the world is my flesh.”
Kung atin pong susundan ang kwento, dahil sa mga ginawa niyang kamangha-mangha, maraming tao ang sumunod sa kanya. Ang tanong, totoo nga ba ang pagsunod at pagtanggap nila sa kanya?
Pagdating naman sa verse 60, hindi na Hudyo ang tinukoy na nagbulung-bulungan sa sinabi ni Hesus kundi yung mga disipulo niya mismo! Sinabi pa nga nila, “Mabigat na pananalita ito, sino ang makakaunawa nito?” Hindi man lahat ng kanyang mga taga-sunod ay ganoon ang damdamin, alam ni Hesus na may ilan sa kanila ang hindi naniniwala sa kanya. Ang nangyari pa, karamihan sa kanyang mga alagad ay tumalikod at hindi na sumama kay Hesus!
Nakita niyo po ba yung reaksyon nung mga alagad sa mga sinabi ni Hesus? Tumalikod na nga yung mga taong sumunod sa kanya, pati ba naman yung mga alagad niya?
Tinanong nga ni Hesus ang labingdalawa: “Kayo naman, gusto rin ba ninyong umalis?”
Parang sa ibang sabi eh, “Kayo, pagkatapos ninyo akong sundan, tatalikuran nyo rin ba ako?
PROBLEM IN THE WORLD:
Nung panahon po na isinulat ang Gospel na ito, humaharap ang church sa malaking pagsubok na kung saan, dahil wala na silang nakikitang Kristo, parang nawalan na rin ng kapangyarihan ang kanilang pananampalataya. Marami nang nag-aalisang mga miyembro ng simbahan kaya pati ang mga church leaders nawawalan na ng interest pang manatili sa pananampalatayang nabuo.
Kung ang church po natin ngayon ay dadalhin sa sitwasyon noong unang mga mananampalataya, marami na ang pinapatay, marami na ang nahihirapan sa pagpapanatiling buhay ng pananampalataya, panigurado, mag-iisip din tayo kung magpapatuloy pa tayo sa paniniwala kay Hesus. Maaari ngang may nag-iisip ding buwagin na ang iglesia.
Tulad ngayon, ang daming kaguluhan sa loob ng ating Iglesia, marami nang naglilipatan sa ibang pananampalataya, marami nang pinanghihinaan ng loob, marami ang mga na-di-discourage sa mga napapansing hindi magagandang pagsasamahan ng mga tagapanguna ng iglesia.
Kung sinasabi natin ang temang, “Make disciples of Jesus Christ to Transform the World”, sa atin pa po ba, bilang mga church leaders, mag-uumpisa ang pagkabuwag ng iglesia?
May maaasahan pa kaya si Hesus sa pamamagitan natin?
GRACE IN THE BIBLE:
Sabi nga ni Hesus sa v. 63, “Ang espiritu ang nagbibigay buhay; Hindi ito magagawa ng tao. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay espiritung nagbibigay buhay.”
Ang mga himalang ginawa niya bago niya sabihin na siya ang tinapay na nagbibigay buhay ay mga daan lamang upang mapaniwalaan siya ng mga nais sumunod sa kanya. Maaaring natunghayan nila ang mga kamangha-manghang gawa niya ngunit ang nais talagang iparating ni Hesus ay ang higit na mas kamangha-manghang mensahe, at iyon ang mensahe ng totoong pagtanggap sa kanya.
Nung tinanong nga ni Hesus ang labindalawa kung tatalikod din sila, ang isinagot ni Simon Pedro, “Panginoon, kanino pa po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Naniniwala kami at ngayo’y natitiyak namin na kayo nga ang Banal na mula sa Diyos.”
Paanong nasabi ito ni Simon Pedro? Nasabi niya ito dahil pinanghawakan niya ang salita ni Hesus. Naniwala siya ng buong puso sa buhay na hatid ng salita ni Hesus sa kabila ng pagtalikod ng maraming taga-sunod. Higit sa lahat, namuhay sa kanya ang Espiritung hatid ng tinapay na totoo niyang tinanggap sa kanyang buhay.
GRACE IN THE WORLD:
Mga kaibigan, wala tayong Kristianong pananampalataya ngayon kung hindi naging matatag ang mga church leaders noon na totoong tumanggap sa Tinapay na nagbibigay buhay.
Tulad ni Simon Pedro, ang early Christian church noon ay naging matatag sa kanilang pananalig sa salita ni Hesu-Kristo. Hindi sila kailanman tumalikod, sa halip, nag-isip at gumawa sila ng iba’t-ibang paraan para maihatid at maikalat pa ang mga katuruan ni Hesus sa mga tao na maaaring manalig at magbalik-loob sa kanilang pananampalataya. Mga kapatid, lalo’t higit, isinapamuhay din nila ang katuruang hatid ni Hesus.
Nais din ni Hesus na bilang mga church leaders ngayon, sa atin magsimula ang buhay ng iglesia: pagmumulan ng matatag na paniniwala at pananampalataya sa kanyang mga salita. Pagmumulan ng pag-asa sa anumang problemang maaari nating kaharapin sa mga di-inaasahang pangyayari sa ating buhay at sa ating iglesia.
Sinabi nga ni Hesus sa verse 56, “ang kumakain ng aking laman, at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin at ako naman sa kanya.” Masasabi lamang po natin na totoo ang pagtanggap natin ng tinapay ng buhay kung sa atin na namumuhay at nakikita si Hesus.
Hindi malayong matupad natin ang adhikain ng ating temang, “To Transform the World” kung sa atin po mismo mag-uumpisa ang totoong pagtanggap sa Espiritung hatid ng Tinapay na nagbibigay-buhay, ang ating Panginoong Hesu-Kristo.
Sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo, Amen.